Mga Kuwento ng Kalayaan at Kasarinlan na Kinakatawan ng Mga Rebeldeng Anak ni Francisco V. Coching
Noong 1935, nilikha ng komikero, nobelista, at ilustrador na si Francisco V. Coching ang tauhan na si Mara-bini -isang babaeng tinagurian na “mala-Amazonang mandirigma” ng propesor na si John Lent. Naunang nakipagsapalaran si Mara-bini kaysa kina Darna at Wonder Woman. Binuo ang kanyang pangalan mula sa mga salitang “Marahas na Binibini,” at mayroon man itong ipinapahiwatig tungkol sa babae bilang mandirigma, taglay din nito ang kabalintunaan ng pagiging mapusok ngunit kaaya-aya, nakakasindak, ngunit kabigha-bighani.
Sa komiks, makikitang binubuhat ni Mara-bini mula sa putikan ang isang naligaw na lalaki. Bakas ang tapang at malasakit sa panatag na mukha ng dalaga. Sa paglikha ng ganitong tauhan, nangangahulugan lamang na noon pa’y radikal at pasulong na kung mag-isip si Coching. Sa kasamaang-palad, ang serye na pinagtampukan ni Mara-bini bilang bida at unang inilimbag noong 1941 sa Bahaghari ay di na nakapagpatuloy dahil sa pagsapit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pagkakaudlot na ito, lalo tuloy nakasasabik na malaman kung gaano kalayo ang narating ng mga mambabasa ni Coching kung sila ay lumaki sa piling ng mas marami pang mga bayani na tulad ni Mara-bini.
Ang Babae sa Panahon ng Dahas
Ngunit hindi ganap na naglaho si Mara-bini. Sa seryeng Dumagit (1953), magpapakita siyang muli, dito ay nilalabanan niya ang bidang lalaki, bago siya tuluyang umibig dito. Sa kasamaang-palad, ganitong mga papel ng babae’t lalaki ang nakasanayan ng mga mambabasa, sa loob at labas man ng mga akda ni Coching.
Sa pagpapatuloy ng engrandeng naratibo na sa ilalim ng kapitalistang patriyarka, madalas na itinatanghal ang kababaihan bilang biktima o kaya ay ka-love team lamang. Minsan pa nga ay pareho at sabay ang ganitong pagtatanghal sa kababaihan.
Ang pang-aaping nararanasan ng kababaihan sa bawat araw ay madalas na pinalilitaw nang todo sa mundo ng komiks–isang media na kilala sa pag-asinta sa mga lalaki bilang mambabasa. Kadalasan, ang babae rito ay pinatatahimik o ginagawang sensuwal at seksuwal. Ayon kay Glady E. Gimena sa The First One Hundred Years of Philippine Komiks and Cartoons, “di maikakaila na ang komiks sa Pilipinas ay sakop ng mga lalaki, mula sa mga publishing manager ng mga ito, sa mga manunulat at ilustrador, hanggang sa mga trabahador sa imprenta,” (salin mula sa Ingles). Sa Liwayway Magazine pa lang kung saan madalas mailimbag ang mga gawa ni Coching, tinitingnan ang mga babae bilang kasangkapan lamang sa ads na nakapaligid sa mga ulat at nobela. Marami sa mga komiks tulad ng David Martel: Pleyboy Ditektib at ang …naku, ang BABAE ang nagpapalaganap ng kaisipan na ang mga babae ay para lang sa mga di mahalagang papel at inaaping katayuan sa ating lipunan.
Ang Babae sa Gitna ng Digma
Bilang isang mahusay na tagapaglahad ng kuwento, nakalilikha si Francisco V. Coching ng komplikado at paminsa’y hindi kapani-paniwalang mga kuwento na nagtatampok sa mga babaeng may sariling identidad at kasalimuotan.
Sa Espada (1952), makikita ang unang paglabas ni La Sombra, isa sa mga tauhan ni Coching na mahal na mahal ng mambabasa. Ngunit imbes na isang Carlo o Angelo ang nasa likod ng maskara, ang bida pala natin ay isang Leonida, ang anak ni Don Teofilo, na pagkalaon ay naging alkalde ng bayan.
Mauulit ang paglabas ng mga babaeng nagbibihis-lalaki para lamang makapasok sa teritoryo ng kalaban sa Duwag ang Sumuko (1964), isang nobelang naganap sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dito ay gupit-lalaki si Isabel at sa pagpili ng damit, una ang pagiging praktikal at hindi ang itsura ng damit kaya malimit siyang nagpapantalon. Sa bihis na ito, sinubukan niyang kumbinsihin ang mga gerilya na siya ay si Abel, isang sundalo na kayang-kayang makipagdigmaan kasabay ang pinakamahuhusay sa kanilang hanay.
Sa Pambihirang Tatlo (1968), itinuloy ni Coching ang naratibo ukol sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ito ay sa pamamagitan ni Victoria, pinuno ng isang grupo ng mga gerilya. Di tulad ni Isabel, tanggap ng mga gerilya ang katauhan ni Victoria, at hindi na nito kailangang magdamit-lalaki para lang pagkatiwalaang gumanap ng mahahalagang tungkulin.
Noong dekada-50, na tinaguriang “golden age of film production,” ang mga studio tulad ng Sampaguita Pictures at LVN Pictures ay humugot ng mga kuwento mula sa komiks. Ang Kontra-bida (1954) ay isa sa mga ito. Nakinabang nang husto sa tanyag na sinematikong pagkukuwadro ni Coching (at ni Federico Javinal) ang mga imahen na ibinatay sa mga orihinal na ilustrasyon. Nagluwal ang mga ito ng likhang-sining na taliwas sa mga pangkaraniwang papel na madalas na ibinibigay sa mga aktres.
Sa Bella Bandida (1970) ni Coching, masusubaybayan ang masalimuot na kuwento ng buhay ni Anabel, mula sa pagiging mahinhin na dalaga hanggang sa pagiging reyna ng mga bandido. Hindi sapat para kay Bella ang maging kasintahan o tagasunod lamang, kaya tinanggal niya sa puwesto si Tigro, ang pinuno ng mga Dambuhala, sa pamamagitan ng pag-akit dito kapalit ng kapangyarihan at pagkilala. Dahil dito ay nakapaghiganti siya nang walang dahas, nakapaghiganti siya sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong anyo sa kapangyarihan na noo’y bumigo sa kanya.
Sa mala-epikong pakikipagsapalaran na ito na katatagpuan ng isang babaeng may kontrol sa sarili niyang kapalaran at seksuwalidad, makikita natin na hindi natatakot si Coching na bumuo ng mas komplikadong naratibo ng buhay-babae, gayundin ng pagpapakilala ng mga mekanismong nagbibigay sa babae ng kakayahang mag-isip at magdesisyon para sa sarili.
Habang ang Mara-bini at ang Bella Bandida ay tungkol sa mga babaeng hindi tumatalima sa karaniwang preskripsiyon ng lipunan, ang Waldas (1954) at ang Talipandas (1958) naman ay naglalarawan ng buhay ng babaeng namamalagi sa loob ng sistemang kapitalistang patriyarka. Pareho itong nagtatampok ng temang ukol sa seksuwalidad at pagiging palaban sa loob ng isang mapang-aping sistema. Bagama’t hindi lagi nagpapakita ng malasakit si Coching sa kanyang mga tauhan, siya ay nakatuon nang maigi sa kanilang mga pinagdadaanan.
Babaeng Lumalaban
Sari-sari ang mga kuwento at tauhan na matatagpuan sa mga obra ni Coching, hinahandugan nito ang mga mambabasa ng pagkakataon na makasilip sa mga ideya ni Coching ukol sa kung saan nga ba nararapat manahan ang babae, lalo na kung pagmumunihan din ang araw-araw nitong pakikibaka na siyang iginuhit niya sa kanyang mga komiks.
Taglay man ng mga ito ang mga pangkaraniwang katangian ng mga babae– pusong mamon, mababaw ang luha, at nagmamalasakit– ang mga babae sa mga nobela ni Coching ay may kakayahang magdesisyon at kumilos nang para sa sarili, binibigyan din sila ng tapang sa pagpili kung ano ang gusto nilang ipaglaban. Makahulugan ang terminong “Mga Rebeldeng Anak,” kung isasaloob ito sa pagbasa ng komiks. Pangmasa ang mga obra na ito, maramihan ang paglilimbag. Pinupuntirya nito ang mga Filipino mula sa gitna at mababang antas ng lipunan, kaya’t mamamangha kang talaga sa tindi ng mga ideya na mapasusulpot nito sa iyong utak habang binabasa ang mga ito.
Sa pagtatanong ng: “Nasaan ka na, Mara-bini?” nang may paggunita hindi lamang sa mga babaeng nilikha ni Coching kundi pati sa mga rebeldeng anak sa kasalukuyan, posible kayang mabakas natin ang unang paglabas ni Mara-bini sa mga kasalukuyang pinuno ng mga kilusang feminista?
Sa mga guhit ni Coching ay makakahanap ng kanlungan ang mga pahayag na “The future is female!” gayundin ang mga hashtag tulad ng #BabaeAko at #IamEveryWoman – sapagkat sa espasyong ito ay walang kahirap-hirap na binubuhat ng mga babae ang mga lalaki, mga babae ang nag-uutos sa hukbo, at ang pinakamahalaga sa lahat, sa kilusan ay babae ang siyang namumuno.
Written on the occasion of National Artist, Francisco V. Coching’s Centennial at the Cultural Center of the Philippines. Translated with the help of Beverly Wico Siy. Images from Pasinaya 2019, courtesy of Rica Estrada.